IMMIGRATION — Atty. Jojo M. Liangco Immigrant’s Story Column

0
416


Atty. Jojo M. Liangco
THE COLUMNIST – Atty. Jojo M. Liangco

Ang taong 1965 para sa mga Pilipino
Ang taong 1965 ay isang mahalagang “panandang-bato” para sa ating mga Pilipino, sa Pilipinas man o dito sa Amerika.  
Limampung taon na ang nakakaraan ng aprubahan ng Kongreso ng Amerika ang batas imigrasyon na nagbukas at nagbigay daan upang maging imigrante ang marami sa atin at ang iba pang mga lahi mula sa Asya.
Ito ang Immigration and Nationality Act of 1965 (o “INA of 1965”) na nilagdaan bilang batas ni Presidente Lyndon B. Johnson noong ika -3 ng Oktubre, 1965 at napagtibay noong ika- 30 ng Hunyo, 1968.
Bago naging batas ang INA ay umiiral noon ang batas na naglilimita o naglalagay ng numerical restrictions sa mga visa at nakabatay sa tinatawag na per-country-of-origin quota.  Ang kota noon para sa Pilipinas ay limampung (50) mga visa lamang kada taon.
Kaya’t mahalagang naisabatas noong 1965 ang INA para sa ating mga Pilipino dahil ito ang batas imigrasyon na nagbukas at nagpalaki ng bilang ng mga imigrante sa komunidad dito sa Amerika.
Pagkatapos ng limampung taon, malaking diskurso at debate na naman ang pagre-reporma ng sistema ng imigrasyon sa Amerika.
Mahusay sana kung bago magtapos ang 2015 ay magkaroon na ng batas na ipapasa ang Kongreso at malagdaan ito ni Presidente Barack Obama bilang tugon sa kanyang ipinangakong reporma sa imigrasyon.   
Ang Republican Party ang malaking balakid at malakas na puwersang humahadlang ngayon para sa isang bagong batas na mag-aayos sa sistema ng imigrasyon at sa pagkukulang ng “broken system” ng ating batas imigrasyon sa ngayon.     
Nakakalungkot nga lamang na sa pagbabago ng Speaker of the House, nagpahayag kaagad ang Republican congressperson na napili, si Speaker Paul Ryan, na hindi siya makikipagtulungan kay Presidente Obama sa pag-o-overhaul o pag-aayos ng mga polisiya sa imigrasyon.
Mula sa mismong bibig niya, anya, isang “ridiculous notion” ang pag-aayos ng batas at sistemang imigrasyon “because Obama cannot be trusted on the issue.”     
Kung hindi nagtitiwala ang mga Republican kay Presidente Obama sa isyu ng imigrasyon, kanino sila nagtitiwala?  Ano ang gagawin nila sa sirang sistema at batas imigrasyon ng Amerika?    
Hindi natin dapat kalimutan ang biyayang idinulot sa maraming imigrante ng Immigration and Nationality Act of 1965.   
Hindi natin dapat kalimutan na matagumpay na naisagawa ang pagiging batas ng INA sa sigasig ni Presidente Johnson sampu ng kanyang mga kapartido sa Democratic Party sa pangunguna ni Sen. Edward Kennedy at sa pakikipagtulungan at pagsuporta ng mga Republicans noon.
Sa eleksyon sa 2016, huwag nating kalimutan ang matigas at baluktot na paghadlang ng mga Republicans sa batas na magpapabuti at magbibigay ng bagong kaayusan sa sistema at polisiyang imigrasyon sa bansa.   
Magtiwala tayo na may mga political liders na tulad nina Lyndon B Johnson, Sen. Edward Kennedy, at Presidente Obama na gumawa at gumagawa ng naaangkop na hakbang para ma-reporma ang sirang sistema ng imigrasyon sa Amerika.  
Mahalaga ring balik-tanawin ang taong 1965 sa Pilipinas.
Noong 1965 ay nanalo sa eleksyon si Ferdinand E. Marcos laban sa nakaluklok na pangulo ng Pilipinas noon, si Presidente Diosdado Macapagal, sa halalan para sa panguluhan ng bansa.
Nahalal o na-re-elect muli si Presidente Marcos noong halalan ng 1969 at tinalo niya ang standard bearer ng Liberal Party, si Sen. Sergio Osmena, Jr., sa sinasabing isa sa mga “maruming eleksyon” na naganap sa poder o panguluhan ni Marcos.  
Sa pangalawang term ni Marcos naganap ang mga malakihang protesta ng mga kabataan at estudyante sa Mendiola (malapit sa Malacanang at Plaza Miranda) at ang pagputok ng First Quarter Storm o “FQS” sa pangunguna ng mga makabayang aktibista.
Ang isyu ng protesta ay sari-sari— mula sa pagtaas ng mga bilihin, mababang pasahod, korapsyon sa gobyerno, matinding kahirapan ng mga mamamayan, karahasan at militarisasyon kasama na ang brutal na pag-trato ng militar at mga pulis sa mga mamamayan, pagsupil sa mga karapatang pamamahayag at karapatang pantao, at marami pang iba.
   Nagdaan ang mga araw at buwan noon at lalong lumakas ang puwersa ng kilusang aktibista hindi lamang sa hanay ng mga kabataan at estudyante kundi maging sa hanay ng mga maralitang taga-lungsod, unyonistang manggagawa, magsasaka, at mga magbubukid.
Hindi na  lamang nakasentro ang pagkilos at aktibismo noon sa Kamaynilaan kung hindi maging sa mga malakihang siyudad at bayan-bayan sa buong kapuluan.
Sa kaawa-awang kalagayan ng ekonomiya at pangkabuhayan sa bansa noon at sa kawalan ng oportunidad, ang pagbubukas ng imigrasyon sa Amerika na dulot ng INA ang siyang malaking umakit sa hanay ng mga kabataang nagtapos sa kolehiyo at mga propesyonal para lumisan at dumayo bilang mga imigrante sa Amerika.
Noong 1972, sa hangarin ni Marcos na mamalagi sa poder at kapangyarihan pagkatapos ng legal niyang termino na sinasaad sa saligang-batas na hanggang 1973 lamang ang kanyang second-term, idineklara ni Marcos ang Batas Militar.
Ang rehimen ni Marcos at ang Batas Militar ang siyang tinitignan bilang pinakamadilim na panahon ng Pilipinas mula ng maging malayang republika ito.
Hindi natin dapat kalimutan ang sinapit ng bansang Pilipinas at ng mga mamamayan nito sa ilalim ng rehimeng Marcos at ng kanyang batas militar.            
Hanggang sa susunod na linggo po!
(Si Jojo Liangco ay isang abogado sa tanggapan ng Law Offices of Amancio M. Liangco Jr. sa San Francisco, California.  Ang kanyang praktis ay hinggil sa mga kaso sa linya ng immigration, family law, personal injury, bankruptcy, business law, DUI cases, criminal defense at traffic court cases.  Ipadala ang inyong mga komentaryo kay Jojo Liangco, c/o Law Offices of Amancio “Jojo” Liangco, 605 Market Street, Suite 605, San Francisco, CA 94105 o tumawag sa telepono (415) 974-5336).  

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here